2011: Mga hamon, paglaban at tagumpay

Posted: January 2, 2012 in Uncategorized
Tags: , ,

Para sa mga rank and file na empleyado ng COMELEC, isang taon na puno ng hamon, paglaban at tagumpay ang nagdaang taong 2011.

Matatandaang sinalubong natin ang 2011 ng sama-samang pagkilos para sa ating karampatang benepisyo. Iminarka natin ang ating disgusto sa hindi pagbibigay ng Management sa ating taunang Christmas Incentive sa pamamagitan ng protesta sa Main Office mula Disyembre 28, 2010 hanggang sa mga unang araw ng Enero 2011. Ang mga kapwa empleyado naman natin sa Field offices ay nakiisa sa ating laban sa pamamagitan ng pagsusuot ng itim na damit.

Dahil sa ating pagkakaisa, napilit natin ang Management na ibigay ang ating kahilingan.

Umpisa pa lamang ito ng ating pagtatagumpay.

Pagsapit ng Enero 21, 2011, pormal nating naidaos ang General Assembly ng Alliance of COMELEC Employees in Service (ACES) sa Knights of Columbus Gymnasium sa Intramuros. Bago pa man ang Asembliya,  umabot na sa mahigit 600 ang kasapian ng ACES mula sa Main at Field Offices. Nakamit na rin natin ang halos lahat ng rekisitos para ma-rehistro ang ACES sa Bureau of Labor Relations ng Department of Labor and Employment.

Subalit, hindi natuloy ang registration sa BLR. Bunga ito ng tahasang pagtanggi ng Pangulo ng ACES na pirmahan ang ratified and approved na Constitution and By-Laws. Sa puntong ito, nag-umpisa ang hidwaan sa loob ng liderato ng ACES.

Nakakalungkot man, tumagal ng ilang buwan ang walang patumanggang pagbabato ng paninira, walang batayang mga akusasyon at intriga mula sa mga pumoposturang tagapagtanggol umano ng rank and file.

Rumurok ang bangayang ito sa iligal at arbitraryong pagtatanggal sa pwesto sa apat na halal na upisyal ng ACES na sina Armando Mallorca, Mac Ramirez, Gel Gerardino at Bong Macasu sa utos lamang ng ACES President.

Puntirya man ng katakot-takot na paninira, nagpursigi pa rin ang mga tinanggal na upisyal sa pagsusulong sa interes ng rank and file.

Sa kanilang inisyatiba, itinatag nila ang COMELEC Wage Fight Alliance noong Mayo 2011 para itulak ang makatwirang dagdag sahod at ang pagtatama sa sistema ng pa-sweldo sa mga empleyado ng COMELEC.

Dahil tumpak at napapanahon ang panawagan ng COMELEC Wage Fight Alliance, parang sunog sa kaparangang kumalat ito sa buong bansa. Daan-daan ang agad na pumirma sa pinakalat nating petisyon. Naging sentrong usapin mula noon ang isyu ng pasahod sa COMELEC at nag-umpisang makinig ang matataas na upisyal ng ating ahensya.

Ilang makasaysayan at matatagumpay na aktibidad din ang ating naidaos natin noong 2011. Nakapaglunsad tayo ng dalawang Forum, isa noong Agosto at isa noong Oktubre kung saan mismong si Chairman Sixto Brillantes ang dumalo at nangako ng pagbabago sa ating pasahod ngayong 2012.

Nakuha rin natin ang suporta ng malalaking organisasyon gaya ng Metro Manila Election Officers Association at Provincial Election Supervisors Association of the Philippines at marami pang iba.

Pinamalas din natin ang pambansang saklaw ng ating samahan noong Setyembre nang maglunsad tayo ng nationally coordinated streamer hanging. Lumahok ang Main Office; Valenzuela; Cavite; Antipolo; San Juan, Batangas; Nueva Vizcaya; Legaspi City; Daraga, Albay; Camarines Sur; Torrijos, Marinduque; Cebu; Lantapan, Bukidnon; Misamis Occidental; Iligan City; North Cotabato; Maguindanao at Zamboanga Sibugay.

Kasing dami ng hamon na ating pinagdaanan ang dami ng ating natutunan noong 2011. Tangan ang mga aral na iyon, tinamo natin ang kasing daming tagumpay na ngayon lamang napasakamay ng mga empleyado ng COMELEC.

Ang natitirang hamon na lamang ngayon para sa COMELEC rank and file ay kung papaano natin itatayo at patatatagin ang isang Unyon na tunay na magsusulong sa kapakanan at interes ng mga rank and file na empleyado.

Hindi pa rin natin maitatanggi na kailangan natin ng isang Unyon para matiyak ang ating karapatan sa benepisyo, kaseguraduhan sa trabaho at dagdag na sahod.

Kaya naman ngayong 2012, magsama-sama tayo at suportahan natin ang COMELEC Employees Union na siyang magbabandila sa kapakanan nating mga rank and file.

Sumapi po tayo sa COMELEC Employees Union at tanawin natin ang marami pang tagumpay sa taong 2012!

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa COMELEC Employees Union, bisitahin lamang po ang link:

http://comelecemployeesunion.wordpress.com/2011/12/12/sa-wakas-comelec-employees-union-comelec-eu/

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s